Monday, December 5, 2011

NO ONE© Chapter 01

Salamat sa inyong mga walang sawang pagsuporta sa aking akda. Pasalamatan ko lang sina Rue at Ross Magno. At siyempre sa mga silent readers na rin. Sana po malaman ko rin sa inyo ang inyong reaksiyon para na rin malaman ko pa kung ano ang dapat kong gawin para lalong mapaganda ang aking akda. Salamat ulit at heto na po ang kasunod. Enjoy!
______________________________________________


*TOK*TOK*TOK*

Ang sunod sunod na pagkatok na narinig ko habang nasa kasarapan ako ng aking pagtulog. Hirap pa akong imulat ang aking mata. Napatingin ako sa aking orasan na katabi ko lang sa higaan ko at bigla akong napamulat ng di oras. Tanghali na pala. Patay kailangan ko pang pumasok sa eskwelahan. Paglabas na paglabas ko ay nakita ko si Camille ang anak ng umampon sa akin.

“Ma..gising na ang batugan!!!!”Ang sigaw niya matapos makita akong lumabas sa kuwarto ko. Nasa bodega kasi ako natutulog. Pababa na dapat siya papunta ng bodega. Dali daling kumaripas ng takbo ang babaeng kinaiisan ko.

Tama kayo. Sa bodega ako natutulog kasi naman simula ng inampon ako nina Aling Martha at Mang George doon na ako pinatulog sa bodega. Sila ang Pamilya Mercedes. Hindi pa ako nakakhakbang sa hagdan pataas ay may nakita akong aninong papalapit sa aking kinaroroonan. Napahinto ako. Kasi sa bulto ng hitsura ng anino ay malaki ito malamang si Aling Martha. Matabang tao kasi siya. Hindi nga ako nagkamali. Nakayuko kasi ako paakyat at ng tumingala ako. Nakita ko ang nanggagalaiting galit sa mata ni Aling Martha.

“Hoy Oliver, hindi kita pinalamon para humilata buong magdamag. Aba nasosobrahan ka na ata. Halika dito ng malintikan ka sa akin.” Ang galit na galit na sabi niya sa akin. Wala naman akong nagawa kundi ang sumunod. Pumunta ako sa kanya ng nakayuko. Ng makalapit na ako ay piningot niya ako sa aking tenga ng paatas.

“Aaaaraayyyyyyy!!!” Ang sigaw ko ng piningot niya ang tenga ko. Hindi pa nakuntento ay binalibag ako.

“Arayyyy ko!!”Ang daing ko sabay hipo ko ng siko ko na tumama sa lapag.

“Ngayon magtatanda ka na. Hindi ka namin pinulot para maging batugan. Buti pa nga naawa kami sa iyo. Kung hindi ewan ko lang kung saan ka pupulutin.” Ang galit pa ring sabi nito. Nanlilisik ang mga mata niya.

“Hala tayo na diyan..Magluto ka doon. Tanghali na. Pinapaiinit mo lagi ang ulo ko!!”Ang inis na sabi nito sa akin sabay alis at tumungo sa taas papunta ng kuwarto niya.

Nakita ko si Camille nakadungaw sa kusina at tumatawa tawa pa. Hay naku. Imperyernong buhay nga naman. Bakit kasi sila pa ang kumupkop sa akin? Tama nga naman si Aling Martha wala naman akong kamag anak kasi ang mga magulang ko kasi ay mga nag iisang anak lang.

Tumayo na ako at ng makalapit ako sa kusina ay sinadya akong banggain ni Camille. Ewan ko pero parang parehong pareho na may galit ang mga ito sa akin. Wala naman akong ginagawa sa kanila. Hindi ko nalang ito pinansin kaya dire diretso na ako sa kusina para paghainan ang aking mga amo. Tutal parang katulong narin naman ako dito sa bahay kung ituring nila. Ang pinagkaiba nga lang ay wala akong sahod kasi sila rin ang nagpapaaral sa akin. Utang na loob ko pa nga iyon sa kanila. Pero sabi nila pag natapos daw ako sisingilin nila ako sa mga nagastos nila kasama na ang mga binigay na tulong nila sa akin. Wala rin naman akong magagawa kasi malaki laki na rin ang naitulong nila at saka saan naman ako pupunta? Wala nga akong kamag-anak na kakilala.

Natapos ko na ang niluluto ko sakto naman dumating ang asawa ni Aling Martha, Si Mang George. Hindi ko alam pero pag nakikita niya ako lagi itong kumikindat sa akin. Hindi ko alam kung anong meron. Kung tutuusin ay hindi ako ganoon kagwapo ay este kaganda. Hay ewan. Nalilito ako sa aking pagkatao.

“Oh Oliver gising ka na pala. Buti naman. Nakapaghain ka na?”Ang sabi nito sa akin.

“Opo” Ang maikling tugon ko.

“Okey sige sabihan mo na sila para makakain na tayo.” Ang utos niya. Ng makalapit ako ay napatingin ako sa kanya. Ayun kumindat nga sa akin. Hindi ko ito pinansin saka dumiretso na ako paakyat pero ng makalayo ng konti ay tinapik niya ako sa aking puwet na aking kinagulat at napatingin sa kanya. Nakangiti lang siya sa akin at tumataas baba ang mga kilay. Natutuwa pa kamo sa ginawa niya. Tumalikod na lang ako sa sobrang hiya. At mukhang namula ako. Diretso na ako sa kuwarto nilang Mag-asawa.

Habang papalapit ako sa kanilang kuwarto ay napaisip tuloy ako kung ano ang pagkatao ni Mang George. Napapansin ko rin iyon minsan sa talyer na nasa kabilang kanto lang. Kasi pati mga trabahador niya ganoon ang ginagawa niya. Kinikindatan niya minsan naman nakikita kong hinihimas ang binti nila o kaya sinasadyang banggain ang kanyang harap sa likod ng kanyang mga trabahador na puro lalaki. Wala namang malisya akong nakikita sa mga iyon kasi parang wala lang naman sa kanila.

Kung titingan mo siya hindi naman siya pagkakamalang bakla kasi medyo maitim ito dala ng lagi nasa initan siya. At maganda naman ang pangangatawan. Hindi mo nga aakalain nasa 45 anyos na siya. Kasi parang ang bata niya hindi tulad ng asawa niya may mga puting buhok na. Siguro dala ng laging hinahighbloood o laging mainit ang ulo kaya nagmumukhang matanda. Magkasing edad lang kaya silang mag-asawa.

Nasa ganoon akong pagmumuni muni ng matapat na ako sa kuwarto nilang mag-asawa. Bigla itong bumukas at ako ay nagulat. Sa hitsura niya kasi nakatakip ng pipino yung dalawang mata nito at napapalibutan ng puting pampaganda na lagi niyang ginagawa araw araw ito. 3 beses pa sa isang araw. Tinanggal niya ang pipino na nasa mata niya.

“O buti naman pumunta ka. Akala ko hindi ka pa tapos. Ano ayos na?”Ang mataray na sabi niya.

“O..opo.”Ang nauutal ko pang sabi.

“Siya alis diyan. Bababa na ako.” Ang mataray pa rin niyang sabi sa akin. Gumilid ako. Binulsa niya sa kanyang bestida ang mga pipino.

Sumunod naman ako. Hindi ko inaasahan na bigla akong tinulak ni Camille nasa likod ko pala at narinig na kakain na. Natumba ako sa pader at sa may kahoy na lamesa na may nakalagay na paso at ako ay napahawak buti na lang naging alerto ako naayos ko kaagad. Napatingin sa akin si Aling Martha.

“Ano na naman ba yang ingay na yan?” Ang naiiritang sabi ni Aling Martha. Nakita niya akong nakadikit sa pader.

“Oliver..tatanga tanga ka naman. Kung saan saan ka kasi nakatingin.” Ang naiirita pa ring sabi nito sa akin.

“Pasensya na po!” Ang sabi ko na lang. Ayaw ko namang magsumbong na si Camille ang may kagagawan baka magsimula na naman ito ng gulo.

Tumingin lang ito sa akin ng masama at nakita ko naman si Camille na patawa tawa lang. Sumunod na ako sa kanila. Nakaupo na sila ng dinatnan ko. Ng ako ay uupo ay biglang nagsalita si Aling Martha.

“Oopss..hindi ka sasabay. Dahil late kang nagising diyan ka lang sa gilid. Pag natapos na kaming kumain ay saka ka na kumain.” Ang mataray na sabi niya sa akin. Kaya wala akong nagawa kundi pumunta sa gilid nila at hayaang matapos silang kumain.

Nagsusubuan pa ang mag-asawa. Si Camille mukhang may binabalak. Kasi maya’t maya ang tingin niya sa akin. Kumukulo na rin ang tiyan ko ng mga oras na iyon pero wala akong magawa kasi nalate akong matulog dahil sa bestfriend ko. Ipapakilala ko siya sa inyo mamaya kasi magkikita kami walang pasok kasi ngayon dala ng may Math and Science Quiz bee competition sa school. Ang school kasi namin ang siyang punong abala. Pero kailangan pa rin naming pumasok para sa attendance.

Maya maya nakita kong tumayo si Camille sa kanyang inuupuan. May kinuhang lalagyan ng pagkain at ng bumalik ay kumuha ng pagkain at walang tinira sa hapagkainan. Natapos na silang kumain at tumayo na. Si Camille naman ng dumaan sa akin ay binuksan ang nilagyang pagkain at pinaamoy sa akin. At tapos ay tinakpan at tumakbong tumatawa.

Wala naman akong magagawa kungdi manimot ng kahit na ano. Buti may natira pang kanin. Naawa siguro sa akin. Kinuha ko iyon at nilagyan ng toyo para naman malagyan ng konting laman ang aking tiyan. Gutom na gutom na kasi ako.

“Ok na ito pangtawid gutom din ito. Idadaan ko na lang sa dami ng tubig.” Ang sabi ko sa sarili ko. Ganito lagi ang dinaranas ko sa kanila. Hindi ko talaga maintindihan kung anong ginawa kong kasalanan sa kanila at ganito ang trato nila sa akin.

Matapos kumain ay bumalik na ako sa aking kuwarto para kunin ang tuwalya at para maligo na. Kasi mamaya darating na ang bestfriend ko. Siya lang ang karamay ko sa lahat. Pasalamat na lang ako na kahit kailan hindi niya ako iniwan. Pumunta na ako ng banyo para maligo.

*TOK*TOK*TOK*

Ng matapos ay sakto namang may kumatok. Pero may narinig akong yabag ng paa sa taas na pababa tiningnan ko kung sino iyon. Si Camille pala. Nagmamadaling buksan ang pintuan ng bahay.

“Sandali lang!” Ang malanding sabi niya. Humarap muna sa salamin at nag-ayos ng sarili at sinuklay ang mahabang buhok bago binuksan ang pintuan.

Mukhang kilala ko na kung sino ang kumakatok dahil sa ginawa ni Camille. Hay ewan ko diyan patay na patay sa bestfriend ko. Sino nga bang hindi mahuhumaling sa bestfriend ko? Bukod sa matalino na ay ubod pa ng guwapo ito. Halos lahat ay nababaliw sa kanya. Samantalang ako naman ay mukhang alalay lang niya pag kasama niya ako. Paano kung siya ay maputi ako naman ay kayumanggi. Maganda ang pangangatawan dala ng pagbabasketball at talaga siya ang panlaban ng baranggay sa amin sa mga liga. Wala kasing sinasalihan ang paaralan namin dahil medyo malayo ito sa kabihasnan. Bukod tanging ito lang ang high school sa aming lugar. At ako naman ay okey na rin pero may hugis naman kahit papaano. Iyon nga lang ay puro ako tigyawat at yung kilay ko ay isa lang kaya ako napagkakamalang nerd o minsan unggoy. Pero okay lang iyon kasi namana ko iyon sa aking lolo. Hindi ko masyadong nakuha ang hitsura ng mga magulang ko. Hay buhay nga naman.

“Ay ikaw pala yan Justin, pasok?“ Ang sabi nito pagkabukas ng pintuan at pumulupot na sa braso ni Justin.

“Puntahan ko lang si Oliver” Ang sabi ni Justin. At nagmamadaling alisin ang mga kamay ni Camille na nakapulupot sa kanya. Ako naman ay saktong pababa na ng aking kuwarto ng makita ako ni Justin.

“Oi..oliver hintayin mo ako. Sabay na ako sa iyo punta sa kuwarto mo.” Ang sabi niya sa akin sabay kampay ng kamay na nagsasabing hintayin ko siya.

Huminto ako at tiningnan ko silang dalawa. Nakita kong masama ang tingin sa akin ni Camille at ng makita niya akong nakatingin ay inismiran niya ako at umakyat ng kuwarto. Parehas kami ng pinapasukang eskwelahan. Pinagkibit balikat ko na lang ang inasta ni Camille sa akin at tuloy tuloy na pumunta sa aking kuwarto. Sumunod naman sa akin si Justin.

“Bihis lang muna ako. Talikod ka muna!” Ang nahihiya kong sabi kay Justin. Hindi kasi ako sana’y na may tumitingin sa akin pag nagbibihis ako. Kahit na pareho naman kaming lalaki ay naasiwa ako. Ewan ko.

“Hay naku para ka namang others niyan bes. Ilang beses ko ng nakita iyang sa iyo. Ngayon ka pa mahihiya.” Ang sabi nito sa akin. Tama naman siya kaso iba pa rin ang may privacy. Oo kailangan ko pa rin naman iyon. Para na rin magkaroon pa ako ng konti dignidad. OA ko masyado. Basta.

“Ei..basta..talikod ka!” Ang padabog kong sabi sa kanya.

“Hay naku..eto na.” Napabuntong hininga siya matapos magsalita at tumalikod na sa akin.

Dali dali naman akong nagbihis at nakatuon pa rin ang pansin sa kanya baka kasi tumingin siya sa akin na lagi niyang ginagawa pag lagi akong nagbibihis.

“Tapos na ako!” Ang sabi ko sa kanya matapos na makapag-ayos.

“Tara na..may pupuntahan pa kasi tayo pagkatapos natin na magpaattendance eh.” Ang sabi nito sa akin. Nagtaka naman ako. Saka may napansin akong bag at mukhang maraming dala. Ano naman kaya ang plano nito?

“San naman tayo pupunta?” Ang pag usisa ko sa kanya.

“Basta malalaman mo rin mamaya.” Ang sabi nito sa akin. Sabay hablot ng aking kamay. At Paaalis na ng bahay. Naabutan ko namang nasa sala at nanonood ng TV ang mag-asawa. Kaya magpapaalam na ako at hihingi sana ng baon. Pinauna ko muna si Justin.

“Tiya Martha. Tiyo George, papasok na po ako sa eskwelahan.” Ang nahihiya ko pang sabi.

“Eh di umalis ka na!” Ang mataray na sabi ni Aling Martha sa akin. Tiya/Tiyo na ang tawag ko sa kanila dahil kinupkop na nila ako. Naghihintay pa ako ng ilang saglit baka kasi bigyan ako ng baon. Medyo nairita ata si Aling Martha.

“O ba’t andyan ka pa? Umalis ka na!” Ang sigaw sa akin ng mapunang hindi pa akong umaalis.

“Ano ka ba Martha? Yung baon ng bata.” Ang sabi ni Mang George.

“Eh wala naman silang gagawin ha. Saka baka kung saan pa niya gamitin iyon. Sayang ang binibigay ko diyan. Umalis ka na.” Ang saway sa akin ni Aling Martha.

Wala na akong nagawa kundi ang umalis ng walang perang dala. Gutom na nga ako wala pa akong pera. Paano kaya ako makakapunta sa eskwelahan? Nahihiya naman akong magpalibre kay Justin dahil lagi na lang niyang ginagawa iyon. Lumabas na ako at nakita kong nakaabang siya sa may lilim ng puno at hinihintay ako. Malungkot akong lumapit sa kanya.

“O bakit biyernes santo yang mukha mo?” Ang sabi nito sa akin ng mapunang nakayuko akong lumapit at malungkot ang mukha.

“Hindi na naman ako binigyan ng baon ni Tiya Martha. Hay maglalakad na lang ako. Sige una ka na. Susunod na lang ako.” Ang malungkot kong sabi. Medyo malayo din kasi iyon tatlong baranggay pa ang dadaanan ko bago ko mapuntahan ang eskwelahan.

“Ano ka ba? Kaya nga andito ako. Para samahan ka. Para san pa na naging bestfriend mo ako kung hindi kita dadamayan.” Ang nakangiting sabi nito sa akin sabay akbay. Hay medyo naasiwa ako kasi heto na naman ang pakiramdam ko pag nagdidikit ang aming katawan. Ewan ko mukhang kinikilig ako. Hay naku. Mali ito. Bestfriend ko siya baka isipin pa niyang pinagsasamantalahan ko siya.

“Naku Justin naman. Tama na iyong lagi mo akong nililibre sa pagkain pati ba naman sa pamasahe eh ililibre mo pa ako. Sobra na iyon.” Ang sabi ko sa kanya. Tumawa siya. Nangunot ang noo ko at nagtaka kung bakit siya tumawa.

“Bakit ka tumatawa?” Ang nagtataka kong sabi.

“Eh hindi naman kita ililibre ng pamasahe.” Ang nakangiting sabi nito sa akin.

“Eh ano?” Ang pagtataka kong sabi sa kanya.

“Sasamahan kitang maglakad siyempre, dadamayan kita. Ok?” Ang nakangiting sabi nito. Napangiti ako at tumango sa sinabi niya. Ewan ko pero kakaiba talaga siyang tao. Kung iba ito naku panigurado ako puro panlalait ang ginawa sa akin.

At iyon na nga ang ginawa namin. Nilakad namin ang eskwelahan namin kahit malayo pero parang wala lang sa amin kasi masaya kaming nagkwekwentuhan habang tinatahak namin ang eskwelahan namin. Nakita pa namin si Camille na kumakaway sa amin ng sumakay ito ng tricycle na sundo niya. Buti pa iyon may sundo ako hindi man lang sinasama o hindi ko man lang naramdaman iyan sa buong buhay ko.

Nakarating kami na pawis na pawis dahil masyado ring mainit ng mga oras na iyon. Siguro mga 30 minuto din kaming naglalakad. Pero ayos lang iyon kasi kasama ko naman si Bestfriend. Dumiretso na kami sa banyo para mag-ayos at ng okey na ay pumunta na kami sa aming mga klase.

Hindi kami magkaklase ni Justin. Kung hindi niyo itatanong okay naman ang aking mga grado hindi nga lang ganon ako kagaling tulad niya. Siya talaga ang lagi nasa top ng klase. Walang mintis kaya hindi ako magtataka kung siya ang magiging valedictorian sa amin pag natapos na namin ang aming high school.

Hindi ko nga pala kaklase si Camille. Mas mapurol pa ang utak noon kesa sa akin. Hindi naman sa pagmamayabang ay muntik na akong mapasama sa star section nitong taon kungdi lang ako pumalya sa isa. Dapat kasi lahat 90+ ang grado para pumasok ka sa star section. Sa English kasi ako mahina. Lagi akong nagpapaturo kay Justin kasi magaling siya doon. Ewan ko ba diyan masyado namang biniyayaan ng maykapal. Lahat na ata ng magaganda katangian nakuha niya ng maghagis ang diyos ng mga magagandang katangian at nasalo ni Justin lahat at walang itinira sa akin.

Balik tayo kay Camille. Siya ay laging pasang awa. 75 ang lahat ng grado. Muntikan na nga iyang bumagsak kungdi lang sa Nanay niya naku siguro uulit na naman iyan. Pasaway pa na babae. Ang aga kumerengkeng. Nilalandi lahat ng mga may hitsurang lalaki pero bukod tangi si Justin lang ang hindi siya pinapatulan. Kayo ayon lahat ata gagawin niya mapasakamay lang si Justin. Pero kahit na anong gawin talagang wala itong pagtingin sa kanya. At nakakapagtaka nga sa bestfriend ko ay wala pa siyang kasintahan hanggang ngayon kahit ang daming babaeng magaganda. Isa na dun si Camille. Oo maganda naman si Camille pero masama ang ugali kaya panay ang palit ng boyfriend.

Hay naku tama na nga iyan. Kasi hinihintay na ako sa labas ni Justin. Kinawakayan na niya ako. Ang bilis naman niya. Tinaas ko ang kamay ko para senyasan siya na sandali lang kasi pumipila pa ako. At ng matapos na ay lumabas na ako at pinuntahan siya.

“O bakit ang bilis bilis mo namang natapos?” Ang sabi ko dito matapos makalapit sa kanya.

“Ganun talaga pinauna ako. Alam mo naman. Sikat!” Ang may yabang niyang sabi.

“Hay naku..biglang lumakas ang hangin. Tara na nga.” Ang pag iba ko ng usapan.

Umakbay na siya sa akin at naglakad na kami papalabas ng eskwelahan ng makita namin si Camille at mga barkada niyang mga pokpok kung tingnan. Tama kayo medyo makapal kasi ang make up ng mga kaibigan niya. Kasi may sabi sabi na pumapatol sila sa mga lalaki. Iyon naman ay sabi sabi lang. Pero siyempre ako hindi ako naniniwala dahil hindi ko naman naaaktuhan sila lalo na si Camille. Siguro magaling lang talaga sila matago.

Ng dumaan kami sa kanilang harap ay sabay sabay pa silang umayos ng upo nila. Halatang nagpapacute kay Justin. Pero dedma lang si Justin. Tapos nakarinig ako sa kanila ng hindi magagandang mga salita.

“Ano ba yan? Kasama na naman niya yung mukhang unggoy niyang bestfriend.“ Ang sabi ng isa sa mga kaibigan ni Camille.

“Hindi kaya nilalandi ng ampon niyo yang si Justin kaya hindi tayo pinapansin?” Ang sabi ng isa naman.

“O baka naman ginayuma. Sino naman kasing taong ang makikipagkaibigan diyan sa isang kilay at puro tigyawat ang mukha?Kadiri!”Ang sabi ng isa sa kasamahan nila. Medyo naiinis na ako kasi sobra na sila. Pero hindi ko na lang sila pinansin. Bahala sila na mang alipusta sa akin. Karma na lang nila iyon. Iniisip ko na lang na ang suwerte ko kasi sa akin sumama si Justin at hindi sa kanila dahil mahahawa siya sa ugali ng mga iyon.

Ng makalabas na kami ay sumakay kami ng Jeep. Hindi ko alam kung saan ang destinasyon namin pero ako ay naeexcite kung ano mang balak sa gawin ni Justin. Marami kasi iyang sorpresa sa akin. Medyo malayo ang biyahe namin kaya napaidlip ako at nagising lang dahil tinapik niya ako kasi dumating na kami sa pupuntahan namin. Isa palang beach. Namangha ako sa ganda kasi hindi mang pino ang pagkakaputi ng buhangin ay okay na rin. Wala rin masyadong tao.

“Wow dito mo pala ako dadalhin. Ngayon lang ulit ako nakapunta dito. Dati pa ako nakarating ng beach ng buhay pa ang mga magulang ko pero ngayon tinupad mo.Salamat!“Ang masayang sabi ko sa kanya at bigla ko siyang nayakap. Yumakap din sa akin si Justin. Natuwa ako pero saglit lang at tinanggal ko na iyon kasi baka mahalata niyang may iba akong nararamdaman sa kanya.

“Tara na doon sa beach.” Ang aya niya sa akin. Nakatayo lamang ako ng maalala ko nga palang wala akong dalang gamit. Nahinto siya ng mapansing hindi ako sumunod.

“O bakit huminto ka?” Ang sabi niya ng bumalik siya sa kinaroroonan ko.

“Eh kasi wala pala akong dalang gamit na pagswimming,” Ang nahihiya kong sabi sa kanya.

“Naku iyon ba ang dahilan? Wag kang mag alala nakahanda na. Bago ako pumunta sa inyo may inihanda akong gamit at pagkain na dadalhin ko para dito.” Ang nakangiting sabi niya sa akin sabay akbay niya sa akin.

“Tara na!” Ang aya niya sa akin.

Nagbayad muna kami ng entrance fee at hindi na kami nagrent ng cottage kasi mahal at saka mukhang may sorpresa naman naman kasi si Justin sa akin. Binigay niya sa akin ang isang short. Mukhang bago hindi pa nagamit.Tiningnan ko ito.

“Bakit ayaw mo ba?”Ang puna niya ng tingnan ko ang binigay niyang short sa akin.

“Hindi kasi nakakatawa ang short ang ikli meron ka pala nito parang pambata wala ka namang kapatid na lalaki.”Ang sabi ko sa kanya matapos kong punahin ang short na binigay niya.

“Ah kasi hindi ko na iyan ginagamit kasi tumangkad ako at saka nung bata pa ako niyan nung medyo kasing payat mo pa ako. Dinala pala iyan nila Mommy at Daddy nung lumipat kami dito.”Ang sabi niya sa akin.

“Kaya pala akala ko may kapatid kayo sa labas.hahaha” Ang biro ko sa kanya.

“Sana nga pero sana ikaw na lang para at least mas magiging masaya ako.” Ang sabi nito sa akin.Sabay alis at pumunta ng paliguan para magpalit ng damit .

Hindi ko alam kung nanaginip ako pero natutuwa ako na masaya siya pag kasama ako. Hindi iyon laging nagsasabi ng nararamdam niya. Minsan lang pero ako lagi. Sinasabi kung kasi ano yung gusto kong sabihin. Sumunod na rin ako sa kanya sa paliguan para magpalit din ng damit.

Ng matapos ako ay naghihintay siya sa akin paglabas ko sa isang cubicle ng paliguan. Namangha talaga ako sa ganda ng katawan niya. Makinis,maputi at talaga namang kahanga hanga ang katawan kahit hindi ito nagpupunta sa gym. Napuna niya ata akong nakatitig sa kanyang katawan kaya lumapit siyang nakangiti sa akin at inakbayan ako.

“Tara na..naglalaway ka na naman!” Ang bulong niyang sabi sa akin. Natauhan naman ako. Kaya inalis ko ang pagkakaakbay niya sa akin at tumakbo sa dagat.

“Hoy hintayin mo ako. Ang daya mo!” Ang sigaw niya sa akin ng nauna ako sa kanya. Tumakbo siya para maabutan niya ako.

Grabe sobrang saya namin. Nandyang naghahagisan ng tubig sa mukha. Nagwrewrestling sa isa’t isa basta walang humapay na harutan. Napakasaya ko kasi siya lang ang bukod tanging taong nagpapasaya sa akin sa kabila ng pagiging malungkot ng buhay ko. Utang na loob ko ito sa kanya. Sa kanya lang ako humuhugot ng lakas at hindi ko alam kung kakayanin ko kung mawala siya sa akin.

Maya maya ay pumunta na kami sa pampang. Kinuha na namin ang gamit niya at pumunta sa medyo walang taong lugar. Ng buksan ni Justin ang bag niya ay dami pala nitong dala. May mantle cloth ito na kulay pula at maraming pagkain gaya ng chichirya,spaghetti,manok at dalawang coke in can.

“Buti naman nakayanan mo iyan.” Ang sabi ko.

“Oo naman ako pa!” Ang sabi nito sabay kindat sa akin.

“Ba’t may kasama pang kindat” Ang kunwaring inis ko. Pero hindi ko alam ay pinapakilig ako ng mokong na ito.

“Wala lang. Gusto ko kasing matuwa ka.” Ang sabi niya.Saka niya kinuha ang mga laman at nilapag sa mantle cloth. Ng maayos na niya ay siya namang upo namin nakaharap sa dagat.

“Masaya ka ba?”Ang tanong niya sa akin. Napatingin ako sa kanya saglit at nakita kong seryoso siyang nakatingin sa dagat.

“Oo naman..kasi sa wakas nakapunta din ako ulit dito. Matagal tagal na rin akong hindi nakakapunta dito.”Ang sabi ko.

“Hayaan mo pag may extra pa akong pera dadalhin kita sa kung saan hindi ka pa nakakapunta.”Ang sabi niya sa akin. Natuwa naman ako. At napaluha. Nakita niya ako. Tumingin ito sa akin.

“May nasabi ba akong masama?”Ang nag aalalang sabi niya sa akin.”Humarap na siya ng tuluyan sa akin at pinahid niya ang mga daliri niya sa mga mata ko.

“Bakit mo ito ginagawa sa akin?”Ang sabi ko sa kanya na umiiyak.

“Kailangan bang may dahilan ang lahat ng ginagawa ko sa iyo?”Ang patanong din niya sagot sa akin.

“Eh kasi iba ang trato mo sa akin. Iba ka sa kanila. Ako wala man lang naibabalik sa iyo kahit na ano.”Ang naiiyak ko pa ring sabi.

“Hindi naman ako humihingi ng kapalit. Ang importante masaya ka. Masaya na rin ako.”Ang sabi niya sa akin ng nakangiti sabay yakap ng mahigpit. Umiyak na ako kasi hindi ko na talaga kaya kasi sobra na yung pag aasikaso niya sa akin. Naiiyak ako sa sobrang ligayang nararamdaman ko ngayon habang kapiling ang taong nagbibigay ng pag-asa sa akin araw araw.

“Shhh...tahan na. Ayokong nakikita kang umiiyak kasi nalulungkot ako.” Ang sabi niya sa akin. Tumahan na ako. At bumitaw sa kanyang pagkakayakap. Masyado naman kasi itong lalaking ito kung makayakap at pinahid ang luhang umaagos sa mukha ko.

“Oo na. Hindi na ako iiyak. Salamat sa lahat. Hayaan mo makakabawi rin ako sa iyo.”Ang madamdamin kong sabi sa kanya.

“Tara punta tayo dun sa puno na iyon.”Ang aya niya sa akin at tinuro ang puno na nasa dulo ng bahagi ng beach na na kinaroroonan namin. Tumayo na kami at tinungo ang punong tinuro niya. Ng makarating kami ay kumuha siya ng bato. Pinalagay ang pangalan namin sa puno. At nakakapagtaka kasi sa gitna noon ay hugis puso. Natawa ako.

“Ano ba yan? Bakit puso ang nasa gitna natin. Eh hindi naman tayo magkasintahan eh.” Ang sabi ko.

“Bakit pag sinabi bang puso dapat mag asawa lang ba? Dapat babae at lalaki lang ba?” Ang makahulugang sabi nito sa akin. Napaisip naman ako.

“Eh ano?”Ang tanong ko sa kanya.

“Kasi ikaw ang karugtong ng buhay ko. Kaya puso iyan. Karamay ko sa lahat lahat. O siya hawakan mo ang pangalan mo ng kaliwang kamay mo at hawakan mo ang kamay ko ng isa mo pang kamay.”Ang sabi niya. Napakunot noo naman ako sa sinabi nito.

“Magsusumpaan tayo dito sa punong ito. Siya ang magiging saksi sa lahat!” Ang nakangiting sabi niya sa akin. Napangiti naman ako.

“Uulitin mo ang lahat ng babanggitin ko sa iyo.” Ang sabi niya at tumango lang ako sa kanya.

Ako si Justin/Oliver, nangangako sa isa’t isa na kahit na anong mangyari ay magdadamyan sa lahat ng bagay. Sa hirap at sa ginhawa. Walang itatagong sikreto sa isa’t isa. Hindi maghihiwalay sa kahit na anong pagsubok sa buhay ang dumating. Ikaw at ako ay karugtong na ng buhay ng bawat isa. Ngayon, bukas at magpakailanman.

Yan ang sumpaan namin sa isa’t isa. Napangiti naman ako sa kakornihan ni Justin. Pero ang totoo ay kinikilig na ako ng mga oras na iyon.

“Akyat na tayo ng puno.Magdadapit hapon na.”Ang aya niya sa akin.

Una siyang umakyat sa puno. Sumunod ako. Inalalayan niya ako hanggang sa makarating kami sa isang sanga nito na matibay na pwede naming upuan. Magkadikit kaming nakaupo at nakaakbay siya sa akin. Habang pinagmamasdan namin ang araw na lumubog.

Napakapayapa ng dagat na siya namang sinasamahan ng malamig na simoy ng hangin na dumadampi sa aming mga balat. Pero ito na ata ang isa sa pinakamasayang araw ko sa buhay. Wala na akong hahanapin pa. Hinding hindi ko ipagpapalit kahit kanino si Justin. Nagsumpaan na kami sa isa’t isa na walang iwanan at laging magdadamayan sa hirap at ginhawa.

Buong buhay ko ngayon lang ako naging masaya ng ganito. Oo aaminin ko na iba na ang pakiramdam ko ngayon para kay Justin pero alam ko naman kung saan ako lulugar. Ayokong masira ang pagkakaibigan namin. Mas mabuti ng ganito akin na lang ang paghanga ko sa kanya. Itatago ko hanggang kaya ko. Ng mawala na ang araw saka namin napagpasyahan umuwi na baka hanapin pa ako nila ang Aling Martha. Lagot na naman ako.Hindi nga ako nagkamali ng bumalik na kami ay sinalubong ako ng isang pingot sa tainga.

“Aray ko pooooooooo!” Ang daing ko.

“Yan ang napapala mo sa pagpunta mo kung saan saan. Hala pumasok ka sa kuwarto mo. Wala ng pagkain. Dahil late ka ng umuwi.” Ang sigaw niya sa akin.

Wala naman akong magagawa. Nakita ko pa si Camille na ngingisi ngisi sa akin. Siguro sinumbong niya ako. Pero okay lang kasi masaya naman ako. Saka nabusog naman ako sa dinala ni Justin. Ngumiti na lang ako kay Camille. Inismiran lang niya ako. Saka ako tumuloy ng kuwarto ko. Sakto namang dumaan si Mang George at tinapik ako sa aking puwet. Pero pinagkibit balikat ko lang iyon. Buti na lang walang nakakita sa kanyang ginawa sa akin. Pumasok na ako sa aking kuwarto. At nagpalit ng damit at nahiga sa kama ko ng nakabulagta. Hindi ko pa rin maiwasang mapangiti sa tuwing maalala ko ang nangyari sa amin ni Justin kanina. Ang saya saya ko.

Bago matapos itong pahinang ito. Pakilala ko muna sarili ko. Ako si Oliver Concepcion. 16 years old lang ako. Dito ako lumaki sa Batangas. Wala ng magulang. Namatay sa aksidente ng pabalik na galing sa isang meeting sa isang nilang kliyente sa furniture. May kaya kami dahil nag iisang anak lang ako.

May paupahan kami na katabi lang ng bahay namin. Ito ang bahay noon nila Aling Martha at Mang Geroge. At itong bahay kung saan ako nakatira ay sa amin. Tama po bahay po namin ito na inangkin ng mag-asawa. Pinapaalis na kasi sila ng mga magulang ko noon ng mangyari ang insidente. Ng malaman nila iyon binenta nila ang lahat ng ari arian ng magulang ko maliban dito sa bahay at sa inuupahan nila. Pinagawa nila ito at dinugtong sa kabilang bahay.Samakatuwid ay inangkin nila ang pag mamay-ari na dapat ay sa akin mapupunta. Nagpanggap silang mga kamag anak ng mga magulang ko kaya nagawa nilang kunin ito sa akin.

Inampon nila ako pero hindi ako tinuring na parang anak. Inalipin nila ako. Hindi sila kumuha ng katulong. Naubos din ang perang nakulimbat nila sa mga magulang ko gawa ng sugal ng sugal noon buti na lang nakapagpatayo pa sila ng talyer na bumubuhay sa amin ngayon pero hindi iyon sapat. Kaya nga minsan wala akong baon kundi si Camille lang. Naawa ako sa sarili ko pero nagpapasalamat pa rin ako kasi kinupkop nila ako. Hindi ko rin kasi alam kung saan ako pupulutin pag nagkataon.

Si Andrei Justin Dela Torre o Justin for short ay kasing edad ko lang. Mayaman sila. Businessman ang mga magulang niya. Naging kaibigan ko iyan ng makita niya akong inaaway ng mga bata nung kadarating lang niya dito sa lugar namin. Medyo malayo siya sa amin siguro isang kanto ang layo. Palakaibigan siya kaya maraming humahanga sa kanya. Pero sa akin lang talaga siya naging close sa kahit kanino.

Hindi ko alam kung hanggang saan ako makakarating sa buhay ko ngayon. Wala kasi akong kasiguraduhan kung may mapapala ako dito sa bahay. Pero since nandito si Justin at nangako siyang magdadamayan kami ay nakahinga ako ng maluwag. Iyon ang magsisilbing pag-asa ko sa hinaharap ko.

10 comments:

Ross Magno said...

Waaahh! bakit ganito? Bakit biglang nag-iba ung story kumpara sa prologue?

Ross Magno said...

Okay I'll make a guess...Si Oliver ba at Tinio ay iisa?

Gerald said...

Sobra naman... ang engot naman pala ni Oliver bkit nia pinabayaan na apihin sia ng pamilyang iyon? Akala ko matalino sia? Takot sa mga ito? Hmmm sana konting angas ng karacter para di masyadong soap opera. At nasiraan nga sia ng bait sa prologue...(o epilogue?)

Kwento ko lang...May nakilala akong isang batang 11y.o. di nakatapos ng elementarya hindi sia matapang pero alam niang ipagtanggol ang saril sa mga batang nangbu-bully sa kanya.

Oo, ito'y kathang isip lamang pero nakakalungkot kung itoy iyong maiivisualizd sa iyong isipan. REVENGE sa huli ang magiging saving grace nitong kwentong ito. O di kaya ito'y pagkukwento lamang ng kangyang paghirap at kasakitan upang ito'y mawala sa katinuan. Pwede... Kung ang kwentong ito ay patungol sa kanyang paghihirap at pagkawalay kay Justin. Ah ewan... Skip ko na lang ung api-apihan at tanga-tangahan monent. D2 cguro ang kwento.

Basta mas interesado ako sa kwento ni TINYO AT DR. SMITH.

Anonymous said...

Super sad naman pala ng love at life ni Oliver/Tinio. Kaya nabaliw. Sir, tama na pagnanarate ng paghihirap nia wag mo na masyadong ivisualized affected ako huhuhu hahaha. Balik mo na lang kay Dr. Smith at Tinio ung kwento para mas maganda. Lol (since un ang epilogue (ay prologue pala).

Anonymous said...

I agree! Medyo wala ng suspense... and Oliver loss his mental health and was confined. He's the patient of Dr. Smith...

Unknown said...

Alam ko sa inyo may ideya na sa kwento. Pero sensya na guys gawa ko na kc ang buong kwento niya. Hindi ko pwedeng baguhin iyon. Nasa inyo iyon kung sa tingin niyo ay hindi ganun kainteresado ang kwento ko. Pero nagpapasalamat pa rin ako sa inyong pagpuna.

Salamat ulit!

Unknown said...

@Ross Magno: yan ang abangan mo kung pareho ba ang katauhan nilang dalawa. Hehehe..

Ross Magno said...

Siempre naman aabangan ko babasahin ko etong kwento na'to hanggang sa huling chapter.
Maganda naman ung takbo ng story at maraming puedeng maging twist at mangyari sa kwento.

Ganung ba Mr. J., mukhang mali ba ako sa katauhan ni Tinyo at Oliver?
Pasensya na ang dami ko atang napaniwala...hehehe...
Puede rin naman kasing si Justin at Tinyo ang may iisang katauhan...hehehe...

Unknown said...

@Ross Magno: Basta malalaman mo rin yan sa takbo ng kwento ko. Masasagot lahat lahat ng katanungan mo/niyo.Abangan mo. Salamat sa walang sawang pagsuporta sa akin.

Anonymous said...

weeh di nga?

Next chapter pls... Tpos mo na pala 'to.

ShareThis